Abstract:
Layunin ng papel na suriin kung paano nabibigyang-daan ng komunikasyon ng karismatikong pamumuno ang makabuluhang hanapbuhay para sa mga miyembro ng mga lokal na startup. Ginamit ang metodolohiya ng pag-aaral ng kolektibong kaso sa pagkalap ng datos sa paraang pakikipagkuwentuhan. Lantad sa mga naratibo ng mga kalahok na lider at empleyado ang naiiba at mapanghamong sitwasyon at konteksto sa mga startup. Sa kabila nito, mula sa isinagawang tematikong pagsusuri ay napag-alamang maituturing na mahalagang sanggunian ng social information ang mga lider na nagpapamalas ng mga katangian ng komunikasyon ng karismatikong pamumuno sa loob ng mga startup—partikular ang pagiging visionaries, impression managers, influence agents, at relationship builders. Naitataguyod ng mga katangiang ito ang impormasyong nakapaghuhubog sa pagtingin ng mga miyembro sa pagkamakabuluhan ng kanilang hanapbuhay sa pamamagitan ng lapit na nakasentro sa manggagawa at sa gawain. Bukod pa rito, mayroon ding pahiwatig ang mga katutubong konsepto ng pakikiramdam, kapwa, at kagandahang-loob sa demonstrasyon ng mga lider ng komunikasyon ng karismatikong pamumuno at sa pag-unawa sa pagkamakabuluhan ng trabaho sa startup. Iminumungkahi ng pag-aaral na ito ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang sa tatlong K: sa karanasan ng mga pangunahing sangkot sa pinag-aaralang penomenon, sa pagbibigay-kahulugan ng mga ito sa kanilang mga danas at kuwento, at sa kontekstong kinapapalooban ng kanilang pagdanas at pagpapakahulugan sa isang penomenon—lalo na sa bukod-tanging konteksto ng mga organisasyong startup sa Pilipinas kung saan matingkad ang mga kultural na pagpapahalaga, kasabay ng kanilang kapansin-pansin na pag-unlad sa panahon ng new normal.