Abstract:
Matapos italaga ng WTO (World Tourism Organization) ang bansa na “Visit
Philippines 2003” noong taong nabanggit inilunsad ng pamahalaan ang “WOW (Wealth
of Wonders) Philippines” sa ilalim ng Kagawaran ng Turismo bilang kaugnay na
programa. Bahagi din ito ng pagpapalakas ng admininistrasyong Arroyo ng kanyang
programg “Strong Republic” matapos niyang palitan sa pinakamataas ng puwesto ng
gobyermong Pilipino ang napatalsik na dating Pangulong Joseph Estrada. Layunin ng
WOW Philippines na gisingin ang kamalayang Pilipino sa kanyang kasaysayan at kultura
sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa at proyektong mag-papaalala sa
kanyang lahing pinagmulan, kabilang na dito ang kanyang husay at dunong sa iba’t-ibang
larangan ng sining na humubog at patuloy na humuhubog sa kultura at lipunang Pilipino;
ito ang konseptong “kultural na turismo”. Sa konseptong ito ang naging promosyon ng
Kagawaran sa pagpapasigla ng lokal na turismo sa ilalim ng dating kalihim nito na
ngayo’y Senador Richard Gordon.
Naging layunin ng pag-aaral na ito na ilatag ang programang WOW Philippines---
adhikain, mga proyekto at programa, kabilang na rin ang implementasyon at pamamaraan
sa pagtupad ng mga layunin nito sa pagpapasigla ng turismo ng bansa. Tiningnan din nito
ang bisa ng WOW Philippines sa pagpapaunlad ng kamalayang Pilipino sa kanyang
kasaysayan at katutubong kultura. Naging balanse ang mananaliksik sa paglapat ng mga
argumento sa usaping ito bagaman nagbigay ito ng ilang mga rekomendasyon sa mga
punto at argumentong mahina.