dc.description.abstract |
Ang pag-aaral na ito ay tumatalakay sa pastil bilang tradisyonal na pagkain ng mga mamamayang Moro sa Pilipinas. Nilalayon nito na alamin ang kasaysayan, proseso at mga pagbabagong pinagdaanan na ng paghahanda at pagluluto ng pagkaing ito sa kasalukuyan. Gayundin, layunin ng pag-aaral na ito na suriin ang mga pagbabago sa pagpapakahulugan sa pastil at kung ano ang representasyon nito sa lipunan, ispesipiko na sa konteksto ng lumalalang komodipikasyon sa kultura lalo na ng mga minoryang grupo.
Gamit ang kwalitatibong paraan sa pananaliksik at panayam sa mga manininda ng pastil at may sapat na kaalaman sa kasaysayan ng kulturang Moro, nalaman na ang pastil ay nagmula sa pangangailangan ng pagkaing madaling lutuin at makain. Samakatuwid, ibinunga ito ng praktikalidad. Sa kasalukuyan, natukoy na ganito pa rin ang kalakhang pagtingin sa pastil sa kabila ng mga banta ng komodipikasyon lalo na at mula sa Mindanao, nailagay na ito sa tagpuan gaya ng Baseco, Manila kung saan laganap ang paglikha ng produkto para sa kita. Sa pamamagitan ng Semiotika ng Pagkain ni Charles Sander Peirce, nabigyan ng pagsusuri ang kahulugan, simbolismo at representasyon na kinakatawan ng pastil sa kasalukuyang panahon.
Gayundin, nasagot sa pananaliksik kung ano ang pagpapakahulugan sa pastil sa konteksto ng kasalukuyang lipunan na kaya nitong tumutol sa komodipikasyon sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng mga komunidad sa pagsasapraktika nito sa paraang tradisyonal bagaman iniaangkop sa mga pang-ekonomikong pagsubok. Kaya naman, maliban sa kasikatan nito, kinikilala pa rin ito bilang pang-masang pagkain. Sa kabuuan, napanatili ang identidad ng pastil bilang isang pagkaing nagmula sa pagkaing Moro. Maaaring malagay sa ibang lugar ang komunidad nila, subalit ang kanilang kultura ay patuloy nilang nalilinang. |
en_US |