Abstract:
Ang pananaliksik na ito ay naglalayong higit na maipaliwanag ang konsepto ng inom
o barikan lalong lalo na sa pamumuhay ng mga taga Janopol Oriental, Tanauan, Batangas.
Dito tatalakayin ang mga ritwal o mga bagay na nangyayari sa isang barikan o ang
‘pagtitipon-tipon ng ilang katao habang umiinom ng alak. Kasama sa susuriin ang mga ritwal
bago ganapin ang barikan, habang ginaganap ang barikan, at pagkatapos ng isang barikan.
Mapapaloob din sa pananaliksik na ito ang mga kaugalian ng mga Pilipino na ipinapakita sa
konsepto ng barikan. Ipapaliwanag din sa pananaliksik na ito na ang mga ritwal at mga
kaugalian na natatalakay sa itaas ay kulturang Pilipino.
Ang Barangay Janopol Oriental ay isa sa tatlong bumubuo ng dating Barangay
Janopol. Ito ay nagtataglay ng populasyon na 2176 na katao na binubuo ng 486 na
kabahayan. Ang baranggay na ito ay sakop ng bayan ng Tanauan, Batangas na maituturing na
isang “semi-urban” na bayan kung saan may nga establisimentong pangkomersyo na
makikita sa mga pook urban. Ang mga datos na nakalap ng mananaliksik ay base sa mga
naibigay na impormasyon ng mga mamayan ng barangay Janopol Oriental na binubuo ng
mga kalalakihan at kababaihan at base rin sa edad.
Base sa mga nakalap na datos, makikita na halos lahat ng mga kalalakihan sa pook na
ito ay nakikibarik o sumasali sa mga barikan ngunit magkaiba base sa edad. Sa panig naman
ng mga kababaihan, bihira o halos wala sa mga nakakatandang babae ang nakikipagbarik
ngunit may iilan at paminsan-minsan sa mga babaing may-edad na 18 taon pataas.
Karaniwan, ang pagbabarik ayon sa mga nakapanayam ay bunga o impluwensya ng
mga kaibigan, ang mga nakaugalian na mga gawain at konsepto sa lipunan, at ang
impluwensya ng mga magulang.