Abstract:
Ang Sanghiyang ay isang katutubong ritwal na sayaw ng mga taga-Alfonso
Cavite na patuloy pa ring isinasagawa hanggang ngayon. Ginagawa ang ritwal na
ito sa pamamagitan ng pagsasayaw sa ibabaw ng apoy o baga ng mga mananayaw
at kilala rin sa tawag na “Sahiyang” o “sayaw sa apoy”. Ito ay nagsisilbing panata
at pasasalamat sa buong taon na sila ay masagana at malayo sa mga sakit. Taontaon
nila itong ginagawa at kung may kahilingan sila, magsayaw lamang sa apoy
ay Maaaring mapahintulutan ng Diyos.
Hindi ito ordinaryong sayaw lamang, dahil dito kailangan nila ng tibay ng
loob at malakas na pananampalataya sa Diyos upang sila ay makaapak sa buhay
na baga. Ito ay isang banal na ritwal at isang selebrasyon para sa mga espiritung
hinihingan ng tulong at manipestasyon ng kanilang malalim na paniniwala.
Hindi ito basta palabas lamang sa perya dahil mas malalim ang nakapaloob dito
na nanggaling pa sa ninuno nila. Kakaibang tradisyon ito at kinapapalooban ng
ritwal at mga pag-aalay at tinatawagan ang mga kapangyarihan na gabayan at
tulungan sila sa pag-apak sa apoy. Tanging ang pananampalataya sa Diyos at mga
espiritu ang pinanghahawakan at kinukuhanan ng tibay ng loob.
Sa tesis na ito ay nakabuo ng isang problema na mabibigyang linaw sa
pag-aanalisang gagawin: masasabi bang ang Sanghiyang ay kakikitaan ng
naghalong katutubo at kristiyanong elemento? Sa tulong ng mga gabay na
literatura ay magagawa ang pagsusuring ito. Ang tesis ay may pitong kabanata na may pagsasadokumento ng ritwal ganoon din ang pagsusuri sa katutubo at
kristiyanong elemento sa Sanghiyang.
Sa unang bahagi ay ang introduksyon ng ginawang pag-aaral na
pagpapakilala sa paksa at maging ang mga gabay sa pag-aanalisa ng mga
elemento batay sa literatura na makikita dito. Ito ay ang magiging batayan na
makakatulong sa pag-aaral na ginawa. Sa ikalawang bahagi naman ay ipinakita
ang kasaysayan at geograpiya ng lungsod ng Alfonso na kung saan dito
nanggaling ang mga mananayaw ng ritwal na sayaw na ito.
Sa ikatlong kabanata na pinamagatang Ang Ritwal na Sayaw ng
Sanghiyang, ay ipinapakita ang kasaysayan o pinagmulan ng ritwal na sayaw na
ito, mula sa mga nakapanayam na mananayaw ng Sanghiyang. Dito na mn
ipinakita ang pagsasadokumento ng ritwal na sayaw sa apoy at ang mga
preparasyon at seremonyang ginagawa dito. Ang mananaliksik ay nakakuha rin
ng pagsusuri batay sa mga pagtatanghal na napanood sa Dayaw at Intamuros sa
kasalukuyang taon.
Ang pagsusuri sa mga elemento ng katutubo at kristiyano ay makikita sa
ikaapat na bahagi ng tesis. Dito inisa-isa ang mga elementong nakapaloob at
maging ang mga paghahalong nangyari sa pagsusuring ginawa. At sa ikalimang
bahagi ay ang mga konsepto, paniniwala at pagpapahalaga ang nasasaloob sa
mga mananayaw ng Sanghiyang. Ito ay mga konsepto at pagpapahalaga ng mga
mananayaw batay sa interbyu na ginawa sa kanila at kung paano nila nakikita
ang Sanghiyang sa kanilang perspektiba. Ang Sanghiyang ay isang napakayamang tradisyon na pinagtitibay ng
paniniwala sa Diyos ng mga mananayaw nito. Ito ay isang manipestasyon ng
malalim na pananampalataya ng mga ito sa Diyos at sa mga espiritung kanilang
dinadasalan. Sa dahilang nanggaling pa sa kanilang mga ninuno ang ritwal na ito
ay ganoon na lamang ang kanilang pagpapahalaga bilang isang katutubong
tradisyon na dapat lamang pagyamanin at ipreserba.