Abstract:
Ang pag-aaral na ito ay tungkol sa epekto ng aksesibilidad ng mga serbisyong pangkalusugan sa pangkalusugang paghahangad ng dalawang komunidad: komunidad ng mga nakatira sa relocation site at iyong mga informal setllers. Ang dalawang komunidad ay matatagpuan sa Rizal (KACSA) at sa Quezon City (Damayang Lagi). Upang malamang ang pagkakaiba ng dalawang komunidad sa pangkalusugang paghahangad, gumamit ang pag-aaral na ito ng survey at key informant interview (KII). Inilatag ang mga datos na nakalap sa pamamagitan ng mga table, mga chart at schematic diagram. Napag-alaman ng pag-aaral na ito na ang aksesibilidad ng mga serbisyong pangkalusugan ay may epekto sa pangkalusugang paghahangad ng mga mahihirap. Partikular na nakakaapekto ay ang pinansyal na akses, pisikal na akses at maging ang availability o pagkakaroon ng mga serbisyong pangkalusugan. Napatunayan ding kahit na parehong mahirap ang dalawang komunidad, ang pagkakaiba nila sa antas ng aksesibilidad ng mga serbisyo ang siyang naging dahilan ng pagkakaiba nila sa pangkalusugang paghahangad. Layunin din ng pagaaral na ito na magmungkahi ng mga polisiya na makapagpapaunlad sa pangkalusugang paghahangad ng mga mamamayan, lalo na ang mahihirap sa tulong ng mga datos na magbibigay linaw kung ano nga ba ang dahilan kung bakit hindi naghahangad ng serbisyong pangkalusugan ang isang indibidwal.